Ika-124th death anniversary ni Gat Jose Rizal, ginunita sa lungsod ng Maynila

Isang simpleng seremonya ang ginanap sa ika-124th death anniversary ni Gat Jose Rizal sa Luneta sa lungsod ng Maynila.

Pinangunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso at Philippine Air Force Chief Lt. Gen. Allan Paredes ang wreath laying sa bantayog ng ating pambansang bayani kung saan dumalo si Lorenzana bilang kinatawan ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa virtual message ng Pangulo, sinabi nito na nakikiisa siya sa pag-gunita ng Rizal Day kung saan binigyan rin niya ng pagkilala ang frontliners na tinatawag niya kasalukuyang mga bayani ng bansa dahil sa mga sakripisyo nila sa pagharap sa COVID-19.


Naging mapayapa naman ang pagtatapos ng maikling seremonya at nagkaroon ng pagkakataon na magbigay ng pahayag si Lorenzana sa isyu ng COVID-19 vaccination ng ilang tauhan ng Presidential Security Group (PSG).

Muling iginiit ni Lorenzana na hindi niya alam kung sino ang nagbigay ng mga bakuna sa gobyerno partikular ang Sinopharm vaccine na itinurok sa mga sundalo.

Sinabi pa ni Lorenzana na posibleng ‘smuggled’ ang mga bakuna na ginamit ng PSG lalo na’t hindi ito otorisado at hindi rin aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

Muli rin tiniyak ng kalihim na sakaling dumating ang mga bakuna sa bansa, susundin pa rin ang plano ng pamahalaan kung saan unang mababakunahan ang mga healthcare workers at mga frontliners.

Facebook Comments