Personal na ininspeksyon nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang ginagawang ika-13 quarantine facility na ipinapatayo ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Ang nasabing quarantine facility ay matatagpuan sa loob mismo ng Manuel L. Quezon University (MLQU) sa Hidalgo St., Quiapo, Maynila.
Umaasa si Yorme na agad na matatapos ang quarantine facility para magamit na ng Manila Health Department kung saan sinabi naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Gerard Opulencia na sa araw ng Huwebes, August 6, 2020 ay tapos na ito at puwede nang magamit.
Ang quarantine facility sa MLQU ay mayroong 60 bed capacity at dito ilalagay ang mga residenteng nagpositibo sa COVID-19 habang plano rin ng lokal na pamahalaan na magtayo pa ng pang-14 na quarantine facility sa mga susunod na araw.
Samantala, pinasinayaan na rin ng alkalde ang 34-unit ng MNLKonek Digital Kiosks sa paligid ng University of Sto. Tomas (UST).
Ang naturang Digital Kiosk ay mayroong hanggang 200 mbps na internet speed at kayang makakonekta ng 100 users nang sabay-sabay kung saan itinayo ito nang walang gastos ang lokal na pamahalaan ng Maynila at magagamit ng mga estudyanteng nakatira malapit sa UST sa araw ng pasukan.