Umaabot na ngayon sa 21 ang petisyon na inihain sa Korte Suprema laban sa Anti-Terror Act (ATA).
Ito ay matapos na maghain na rin ng petisyon ang grupo ng mga blogger at social media influencer.
Nagpakilala ang mga petitioner bilang mga concerned online citizens na binubuo ng 19 na mga indibidwal na aktibo sa social media.
Nais ng grupo na maglabas ang Supreme Court (SC) ng Temporary Restraining Order o TRO laban sa ATA.
Nababahala ang grupo na malalabag din sa ilalim ng naturang batas ang kanilang mga karapatan bilang mga indibidwal na aktibong nagpapahayag ng kanilang mga saloobin sa gobyerno at lipunan gamit ang social media.
Kabilang sa mga petitioner ang mga kilalang online personalities na sina Mark Averilla (Macoy Dubs) at Marita Dinglasan (Aling Marie), artist at writer na Juan Miguel Severo, blogger na si Jover Laurio (Pinoy Ako Blog), blogger at columnist na Tonyo Cruz, blogger at dating mambabatas na si Mong Palatino at mental health champion na si Dr. Gia Sison.
Tumatayong respondents sa kaso sina Executive Secretary Salvador Medialdea, mga miyembro ng Anti-Terrorism Council, Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Filemon Santos, Jr. at Philippine National Police Chief Archie Francisco Gamboa.