
Ipinagdiwang sa iba’t ibang lungsod sa Pangasinan, kabilang ang Dagupan City at San Carlos City, ang ika-32 Philippine National Police (PNP) Ethics Day kahapon, Enero 5, 2026, bilang bahagi ng taunang paalala sa kahalagahan ng integridad, disiplina, at tamang asal sa hanay ng kapulisan.
Sa San Carlos City, isinagawa ang pagdiriwang kasabay ng flag raising ceremony sa himpilan ng pulisya kung saan tinalakay ang mahahalagang prinsipyo ng etikal na pamumuno, anti-graft at corrupt practices, at pananagutan ng mga alagad ng batas sa kanilang tungkulin sa publiko.
Binigyang-diin sa aktibidad ang pagsunod sa pamantayang gumagabay sa propesyonal at makataong serbisyo ng pulisya.
Samantala, sa Dagupan City, ginanap ang pagdiriwang sa DCPO Parking Ground na kinabibilangan ng flag raising, awarding ceremony, at iba pang kaugnay na aktibidad.
Tampok sa programa ang pagkilala sa ilang personnel na nagpakita ng huwarang asal at dedikasyon sa kanilang serbisyo, gayundin ang mga paalala hinggil sa PNP Code of Professional Conduct and Ethical Standards.
Ang pagdiriwang ng PNP Ethics Day ay alinsunod sa NHQ General Circular Number 94-001 at layong patibayin ang pagpapahalaga ng bawat pulis sa core values na Maka-Diyos, Makabayan, Makatao, at Makakalikasan.
Sa pamamagitan nito, muling pinagtitibay ang paninindigan ng PNP na maghatid ng serbisyong tapat, disiplinado, at may pananagutan sa mamamayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










