Inihain na sa Korte Suprema ang ika-apat na petisyon laban sa Anti-Terrorism Law.
Ang Petition for Certiorari and Prohibition ay inihain ng Makabayang Koalisyon ng Mamamayan o Makabayan.
Gaya ng mga naunang petisyon kontra sa Anti-Terrorism Act, hiling ng Makabayan ang Writ of Preliminary Injunction at Temporary Restraining Order (TRO).
Gusto rin ng Makabayan na ipadeklara sa Supreme Court na “unconstitutional” at ipawalang-bisa ang Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.
Ang mga petitioner ay sina Bayan Muna Reps. Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite, at Eufemia Cullamat, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, Alliance of Concerned Teachers (ACT-Teachers) Rep. France Castro, at Kabataan Representative Sarah Jane Elago.
Gayundin ang mga dating mambabatas na sina Satur Ocampo, Liza Maza, Neri Colmenares, Antonio Tinio, Ariel Casilao, at Makabayan Secretary General Nathanael Santiago.
Respondents sa petisyon sina Pangulong Rodrigo Duterte at Executive Secretary Salvador Medialdea.
Ayon kay Colmenares, ang batas ay banta sa kalayaan ng mga tao, lalo na’t hindi pa aniya klarado rito ang definition ng terorismo.
May epekto rin aniya ito sa free speech and expression, free press, at karapatan ng mga tao sa pagtitipon o rally kapag may sentimyento sa gobyerno.
Pinuna rin ng Makabayan ang pag-aresto nang walang warrant na batay sa mga pinagdududahang terorista.
Ayon naman kay Zarate, umaasa ang Makabayan na papanigan ng Korte Suprema ang kanilang petisyon.