
Kasabay ng pagdiriwang kahapon ng Chinese New Year, isang Bilateral Maritime Dialogue ang isinagawa sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon sa US Embassy, muling pinagtibay ng dalawang bansa ang kanilang pangakong igalang ang karapatan, kalayaan, at legal na paggamit ng karagatan alinsunod sa pandaigdigang batas, partikular sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Tinalakay rin ng magkabilang panig ang patuloy na kooperasyon, mga hamon sa seguridad sa dagat, at mga isyu kaugnay sa West Philippine Sea.
Sinabi pa ng embahada na kasama sa napag-usapan ang pagpapalakas ng maritime law enforcement, pagsasanay para sa Philippine Coast Guard (PCG), pagpapaunlad ng blue economy, at pangangalaga sa karagatan.
Samantala, pinaghahandaan na rin daw ngayon ang ika-sampung anibersaryo ng makasaysayang 2016 Arbitral Award kung saan idineklara ng Permanent Court of Arbitration na walang legal na basehan ang nine-dash line ng China sa may bahagi ng West Philippine Sea.










