Cauayan City, Isabela-Kinumpirma ni Mayor Jay Diaz ng City of Ilagan ang ikalawang COVID-19 death case sa lungsod ngayong araw.
Nasawi si CV1153 na lalaki, 53-anyos, isang vendor sa New Ilagan Public Market, Baligatan.
Sa kaniyang official statement, isinugod ang pasyente sa Isabela Doctors General Hospital nitong September 5 dahil sa ilang sintomas ng pag-uubo, pneumonia at hirap sa paghinga.
Nang mailipat ito sa ICU noong September 10, agad itong isinailalim sa swab test hanggang sa lumabas na positibo ang resulta ng pagsusuri.
Binawian ng buhay ang pasyente nitong September 13 matapos itong maisugod naman sa Cagayan Valley Medical Center.
Samantala, naitala rin ang isang vendor na panibagong COVID-19 positive na si CV1209.
Nakaranas ito ng lagnat at ubo noong September 11 at na-swab noong September 12 at lumabas na positive sa COVID-19.
Nabatid na isang tao pa na nagdedeliver ng mga goods sa public market ang nagpositibo sa virus mula naman sa bayan ng Reina Mercedes.
Kaugnay nito ay isinailalim sa lockdown ang palengke kaninang ala 1:00 ng madaling araw (Sep.15) na magtatagal hanggang 12 PM ng September 17, 2020
Ipinagbabawal naman ang non-essential travel sa lungsod para masigurong hindi na dadami pa ang kaso ng mga magpopositibo sa virus.