Ikalawang ‘drive-thru’ COVID-19 testing center sa lungsod ng Maynila, umarangkada na

Natapos na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang ikalawa nilang ‘drive-thru’ COVID-19 testing center na matatagpuan sa tapat ng Quirino Grandstand.

Dinagsa ng mga residente at hindi residente ng lungsod ang soft opening ng libreng drive-thru COVID-19 testing center kung saan umabot sa higit 400 ang sumalang sa rapid testing.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, kada araw ay kayang i-accomodate ng nasabing testing center sa Quirino Grandstand ang nasa 700 indibidwal habang 200 naman sa tapat ng Andres Bonifacio Shrine malapit sa Manila City Hall.


May kaniya-kaniyang lane para sa mga naka-bisikelta, motorsiklo, tricycle at mga kotse ang ‘drive-thru’ COVID-19 testing center sa Quirino Grandstand kung saan bukas ito ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Ang mga blood sample na makukuha ay ipoproseso sa mga bagong biling COVID-19 Serology Testing Machines na matatagpuan sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Sampaloc at Ospital ng Maynila.

Ang mga resulta ay matatanggap sa loob ng 24 oras sa pamamagitan ng text message at ang magpopositibo ay dadalhin sa quarantine facility sa lungsod saka isasailalim sa swab test nang libre.

Ang mga certificate o kopya ng mga nagnegatibong mga residente ay ipapadala ng lokal na pamahalaan sa kani-kanilang tahanan habang ang mga hindi residente ay maaaring kunin ang kopya ng kanilang negative results sa itinalagang lane sa Quirino Grandstand.

Facebook Comments