Naka-alis na rin ang ikalawang eroplano ng Philippine Airlines o PAL na susundo sa mahigit 400 mga Pilipinong uuwi matapos makumpleto ang labing-apat na araw na quarantine period habang nasa loob ng MV Diamond Princess cruise ship sa Yokohama Port sa Japan.
Bago mag-alas dose y medya kaninang tanghali umalis ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nasabing eroplano ng PAL sakay ang dalawang tauhan ng Department of Foreign Affairs-Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-OUMWA).
Bago naman mag-alas onse mamayang gabi dadating ng Clark International Airport ang naturang eroplano sakay ang Filipino repatriates mula Haneda Airport.
Kaninang bago mag-alas onse ng umaga, umalis ang unang eroplano na susundo sa iba pang repatriates.
Alas otso y medya naman mamayang gabi inaasahang lalapag sa Clark Airport ang unang flight.
Mula Clark International Airport, sila ay idederetso sa New Clark City para sa labing-apat na araw na quarantine period.
Kaninang umaga, dumating sa Yokohama Port ang mga opisyal ng DFA at Philippine Embassy sa Tokyo gayundin ang team ng Department of Health o DOH na siyang umalalay sa pag-disembark mula sa barko sa mga uuwing Pinoy repatriates.