
Binawi ng grupong Tindig Pilipinas ang inihain nitong ikalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na inendorso nina Partylist Representatives Percival Cendaña ng Akbayan at Leila de Lima ng Mamamayang Liberal.
Ayon sa Tindig Pilipinas, ilalaan nito ang buong suporta sa ikatlong impeachment complaint na inihain ng mga pari, madre at mga abogado na inendorso din ni De Lima.
Paliwanag ng Tindig Pilipins, ang pagkakaisa sa likod ng iisang reklamong impeachment ay makakatulong para mapabilis ang proseso at agad maiakyat ang reklamo sa Senate Impeachment Court.
Ayon sa grupo, ang ikatlong impeachment complaint ay kinapapalooban ng mga reklamo at ebidensya na kapareho sa binawi nilang reklamo na naglalaman ng limang articles of impeachment.
Kinabibilangan ito ng constitutional violations, graft and corruption, bribery and unexplained wealth, gross incompetence and abuse of power, pagkonsinti sa extrajudicial killings at pagtataguyod ng destabilisasyon laban sa gobyerno.
Ang mga alegasyon naman ay kapareho sa laman ng third complaint na kinabibilangan ng maling paggamit sa P612 million confidential funds, katiwalian sa Department of Education, pagkuha ng papatay kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta Marcos at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez.










