Sisimulan na ng Department of Health (DOH) ngayong Pebrero ang ikalawang yugto ng pagpapabakuna kontra polio at tigdas sa buong bansa.
Kasabay ito ng paghahanda ng ahensiya sa roll-out ng bakuna kontra COVID-19 para sa mga Pilipino.
Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, sa panahon ng pandemya ay dapat pa ring bigyang-pansin ang iba pang uri ng karamdaman.
Target namang bigyan ng bakuna kontra polio ang nasa 4.8 milyong mga bata at 5.1 milyong kabataan para naman sa bakuna kontra sa tigdas.
Mag-uumpisa ang ikalawang bahagi ng pagpapabakuna sa mga lugar kabilang ang; National Capital Region (NCR), CALABARZON, Central Luzon, Western Visayas, Central Visayas at Eastern Visayas.
Samantala, sa ngayon nakapagbigay na ang Estados Unidos ng 24 milyong piso sa Pilipinas para sa pagpapabakuna kontra tigdas, polio at rubella.