Ipinagpatuloy ngayon ng Department of Justice (DOJ) panel of Prosecutors ang ikatlong pagdinig hinggil sa kaso ng Koreanong negosyanteng dinukot at pinatay na si Jee Ick Joo.
Dumalo sa pagdinig si Supt. Rafael Dumlao, ang dating pinuno ng PNP-Anti Illegal Drugs Group na sinasabing mastermind sa kidnap slay case.
Dumating din ang kontrobersyal na si SPO3 Ricky Sta. Isabel na mahigpit ang seguridad at naka-bullet proof vest.
Maliban dito ay sumipot din si Gerardo Santiago, ang may-ari ng Gream Funeral Parlor, kung saan dinala ang mga labi ni Jee.
Sumipot din ang may-bahay ni Jee na si Choi Kyung-Jin kasama ang mga kinatawan ng Korean embassy.
At sa isinagawang pagdinig, inaasahang magtatakda na ang DOJ panel ng petsa kung kailan isusumite ng mga respondents ang kani-kanilang mga counter affidavit matapos nilang matanggap ang amended complaint na inihain ng PNP-AKG maging ang hiwalay na reklamo na inihain ng NBI kaugnay ng kaso ni Jee Ick Joo.