IKINATUWA | Planong pagbabalik ng Balangiga Bells, tagumpay ng mga Pinoy – AFP

Maging ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay natuwa sa planong pagbabalik sa bansa ng makasaysayang Balangiga Bells.

Ayon kay AFP Spokesman General Edgard Arevalo, maituturing na makasaysayang tagpo ang pagbabalik bansa ng mga naturang kampana na matagal nang ipinaglaban ng mga Pilipino.

Ang pagbabalik aniya ng Balangiga Bells ay hindi lamang tagumpay ng mga Samareño kung hindi tagumpay ng bawat Pilipino na nakipaglaban para sa kalayaan ng bansa mula sa pananakop ng mga dayuhan.


Pagpapakita rin ito ng pagiging sinsero ng Amerika para sa pagkakaisa at pakikipag-alyansa nito sa Pilipinas matapos ang ilang taong pananakop nito.

Magugunitang ginawang war trophy ng tropa ng Amerika ang Balangiga bells matapos ang malagim na Balangiga Massacre sa Samar noong Setyembre a-Beinte Otso, taong 1901.

Ito ay bilang ganti na rin ng mga sundalong Amerikano sa mga Pilipino dahil sa ginawa nilang pag-atake sa kanila dahil sa pagmamalabis sa kapangyarihan.

Nakatakdang dumating sa Villamor Airbase ang Balangiga Bells sa December 11 lulan ng eroplano ng United States Armed Forces.

Facebook Comments