Manila, Philippines – Ikinatuwa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang malaking pagbabago sa Boracay Island na binuksang muli sa mga turista kahapon matapos isara at idaan sa rehabilitasyon ng 6 na buwan.
Ayon kay Presidential Spokesman at Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo, ang pagbabago sa Boracay ay resulta ng political will na ipinakita ni Pangulong Duterte at isang aral para sa lahat na nagpawalang bahala sa naturang isla.
Binigyang diin ni Panelo na hindi sana nauwi ang Boracay sa kinahinatnan nito kung hindi nagpabaya ang mga ilang opisyal ng Pamahalaan at ang mga stakeholders na hindi din sumunod sa mga nakalatag na panuntunan.
Kaya naman kinailangan ng matatag na pamumuno ni Pangulong Duterte para ibalik sa dating ganda ang Boracay na hindi lang isang local tourist destination kundi kilala din sa buong mundo.
Kinilala din naman ni Panelo ang lahat ng tanggapan ng Pamahalaan na nagtulong-tulong para mapagandang muli ang Boracay Island at nagpasalamat din naman ang Malacañang sa publiko sa pakikipagtulungan sa Pamahalaan.