Manila, Philippines – Sa susunod na linggo, ilalabas ng Ecowaste Coalition ang listahan ng mga laruang delikado para sa mga bata, dahil may mataas na lead content o iba pang hazardous ingredient. Ito ay para sa nalalapit na Pasko, kung saan naglipana na naman ang mga laruang panregalo.
Ayon kay Thony Dizon, Chemical Safety Campaigner ng Ecowaste, ang mga laruan na lalamanin ng kanilang listahan ay una na nilang namataan na ibinibenta sa merkado maging sa mga mall.
Payo ni Dizon sa mga magulang, huwag magpadala sa murang presyo ng mga panregalo, dahil kadalasan ay mababa rin ang kaledad ng mga ito.
Mahalaga aniya, na basahing mabuti ng mga magulang ang label ng mga laruan upang malaman kung saan gawa ang mga materyales ng mga ito.
Dapat rin aniya na nakalagay sa packaging ng mga laruan, ang manufacturer nito, at contact information.
Ayon kay Dizon, importante ang pagiging vigilante ng mga magulang sa pagpili ng mga panregalo, upang di malagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga bata.