Manila, Philippines – Ilalabas sa mga pahayagan at sa maging sa social media ang pangalan ng mga police applicants bilang bahagi ng screening process.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde matapos ang sunod-sunod na kaso na kinasasangkutan ng mga Police Officer 1.
Ayon sa PNP Chief, ang pagkakasangkot ng mga bagitong pulis sa ilang mga kaso ay patunay lang na may problema sa Recruitment at hindi nasasala ng husto ang mga nag-aaplay sa PNP.
Upang masiguro na matitino lang ang makapasok sa PNP, ilalathala na aniya ng PNP ang pangalan mga aplikante para kung may nakakakilala sa mga ito na may masamang pagkatao, ay maaring maipaalam ito sa PNP.
Maliban dito, papanagutin din ang mga miyembro ng PNP na nagsagawa ng background check sa aplikante na sangkot sa kalokohan kapag sila ay naging pulis.
Ilan pa sa mga repormang ipatutupad ay ang pag-gamit ng bar-code sa mga psychological tests ng aplikante para masiguro na hindi ito madodoktor.