Nagpapatuloy pa rin ang mga proseso na ginagawa ng Armed Forces of the Philippines para matukoy ang pagkakakilanlan nang ilan pang sundalong namatay sa pagbagsak ng C-130 aircraft sa Patikul Sulu nitong July 4, 2021.
Ayon kay Philippine Air Force (PAF) Spokesperson Lt. Col. Maynard Mariano, sa 49 na sundalong nasawi sa trahedya, 20 pa lamang ang nakilala na.
Dumadaan pa sa ilang proseso bago tuluyang makilala ang labi ng mga sundalong nasawi sa -130 plane crash dahil halos sunog na ang mga katawan ng mga ito nang marekober.
Sinabi pa ni Mariano, nagpapatuloy ang kanilang follow-up identification sa mga nasawing sundalo para maiuwi na ang mga labi sa kanilang mga pamilya.
Samantala nakatangap naman ng cash assistance at parangal ang pamilya ng dalawang sundalong nasawi sa C130 plane crash.
Ang mga pamilyang ito ay naiwang pamilya nina private Mel Mark Angana ng Barangay Maligaya, Malaybalay City, Bukidnon at Private Marcelino Alquisar ng Barangay Poblacion Impasugong Bukidnon.
Una nang tiniyak ng pamunuan ng AFP na makakatangap ng benepsisyo mula sa gobyerno ang naiwang pamilya ng mga nasawing sundalo at mga nasugatan.