Nakikiisa si Davao City Rep. Paolo Duterte sa mga kongresistang nananawagan para sa agarang pagpapatibay ng panukalang batas na lilikha ng Department of Disaster Resilience (DDR).
Kasunod na rin ito ng pinsalang dulot ng magnitude 7.3 na lindol na tumama sa Northern Luzon.
Ngayong 19th Congress, kasama ni Duterte ang mga kinatawan ng ACT-CIS Party-list na naghain ng House Bill 452 na layong bumuo ng DDR.
Bahagi ng panukala ang pagtatatag ng National Disaster Operations Center (NDOC), Alternative Command and Control Centers (ACCC) sa mga rehiyon at Disaster Resilience Research and Training Institute (DRRTI).
Punto ng kongresista, science-based ang kanilang panukala lalo’t isa ang Pilipinas sa mga bansang pinakalantad sa epekto ng climate change.
Katunayan batay aniya sa 2019 World Risk Index, pangwalo ang Pilipinas sa mga bansa na pinaka apektado ng matitinding weather events.