Nadagdagan pa ang mga kongresista na nanawagan sa gobyerno na ipagpaliban ang klase ngayong Agosto kung wala pang bakuna laban sa COVID-19.
Giit ni Metro Manila Development Committee Vice Chair at Quezon City Rep. Precious Castelo, hindi pa nararapat na magsagawa ng klase sa lahat ng mga paaralan ngayong August 24, 2020 hangga’t wala pang available na anti-COVID-19 vaccine sa bansa.
Aniya, makapaghihintay naman ang mga estudyante at mga magulang na makabalik sa mga eskwelahan ang mga anak hanggang sa matapos na ang krisis, at may bakuna na para sa kanilang proteksyon at kalusugan.
Malabo na maipatupad ang face-to-face classes sa gitna ng krisis dahil tiyak na mahihirapan din ang mga pamunuan ng mga paaralan na magpatupad ng social distancing at iba pang health protocols lalo na sa mga public school na may malalaking populasyon ng mga estudyante.
Bukod sa pangamba na dulot ng COVID-19, ipinunto pa ng kongresista na hindi lahat ng estudyante ay makakasabay sa isinusulong ng Department of Education (DepEd) na distance learning.
Paliwanag ng lady solon, mahirap ang sistemang ito para sa mga mag-aaral na walang access sa internet, walang gadget o kaya naman ay may mahinang communication signal sa kanilang lugar.