Mariing tinututulan ng ilan pang mga kongresista ang panukala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na “no vaccination, no subsidy” para sa mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps beneficiaries.
Giit ni Deputy Minority Leader Carlos Isagani, ang higit na kailangan ngayon para makumbinsi ang mga miyembro ng 4Ps na magpabakuna ay sapat at malawakang health at medical education.
Ito ay upang maunawaan ng mga benepisyaryo ng 4Ps ang kahalagahan na mabakunahan laban sa COVID-19.
Sinabi ng kongresista na ang panukalang tanggalan ng cash grants ang mga 4Ps member na hindi magpapabakuna ay isang mapang-abusong tugon ng Duterte administration sa mga mahihirap na Pilipino.
Binigyang diin naman ni Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat na sa halip na kapakanan ng mamamayan ang isaisip ay mas lalong pagpapahirap pa ang ginagawa ng gobyerno.
Tungkulin aniya ng pamahalaan na paigtingin ang edukasyon at impormasyon para makumbinsi ang mga tao na magpabakuna.
Karapatan din aniya ng lahat ang ayuda at hindi dapat magpataw ng kondisyon bago ipagkaloob ang tulong sa mga tao.