Isa pang panukala ang inihain sa Kamara na nagbabawal sa candidate substitution sa dahilan ng “withdrawal” o pag-atras lang ng isang kandidato.
Sa House Bill 10387 na inihain ng mga kongresista ng Makabayan, inaamyendahan ang Section 77 ng Omnibus Election Code.
Naniniwala si Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na ang ganitong dahilan ng substitution ay isang mockery o panghahamak sa electoral process at panlilinlang sa mga botante.
Nakasaad sa panukala na pinapayagan sana ang candidate substitution ngunit tila ito ay ginawa ng “scheme” ng ilang political parties.
Isa sa inihalimbawa ang 2016 national elections kung saan pinalitan ng noo’y Davao City Mayor na si Pangulong Rodrigo Duterte ang “placeholder” na si Martin Diño at ngayon naman ay may political party na umamin noong una na mayroon ding “placeholder” sa Presidential post na naghihintay sa desisyon naman ni Davao City Mayor Sara Duterte sa pagtakbo sa pagka-pangulo sa 2022.
Sa panukala ay ituturing na “prima facie evidence” ang sinumang kandidato na direkta o hindi direktang magpapakita o maghahayag na sila ay pseudo-candidate o placeholder para sa ibang kandidato dahil malinaw na ito ay walang intensyong para sa elective post na hinainan ng kandidatura.