Ilan pang mga lungsod sa Metro Manila, nagdeklara na rin ng special non-working holiday bukas dahil sa inagurasyon ng susunod na pangulo ng bansa

Nadagdagan pa ang mga lungsod sa Metro Manila na nagdeklara ng special non-working holiday bukas, June 30.

Ito ay dahil sa nakatakdang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bukas sa National Museum of the Philippines.

Ang mga naturang lungsod ay ang Pasay at Navotas.


Batay sa pinirmahan nina Pasay City Mayor Imelda Calixto-Rubiano na Executive Order (EO) no. 38 at Navotas City Mayor Toby Tiangco na Executive Order (EO) no. 67, ito ay para sa kaligtasan ng kanilang mga residente at maging ang mga nagtatrabaho sa mga naturang lungsod.

Dagdag pa, para na rin makaiwas sa mga abala tulad ng road closure at posibleng mga kilos-protesta.

Para naman sa mga taga-Pasay, bukas pa rin ang Treasurer’s Office ng lungsod para sa mga magbabayad ng buwis.

Una nang nagdeklara ng special non-working holiday ang lungsod ng Maynila at San Juan City.

Habang, kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes sa panayam ng RMN Manila na nagsabi na rin sa kanila ang Caloocan City na magdedeklara ng special non-working holiday bukas.

Ang pagdedeklara ng special non-working holiday ng ilang lungsod sa Metro Manila ay alinsunod na rin sa kahilingan ng Philippine National Police o PNP at iba pang mga awtoridad dahil sa panunumpa ng susunod ng pangulo ng bansa.

Facebook Comments