Ilan pang produktong pang-Noche Buena ang posibleng magmahal bago ang Kapaskuhan.
Kabilang sa natanggap na notice ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa taas-presyo ay para sa mga produktong pasta gaya ng elbow macaroni.
Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni DTI Asec. Ann Claire Cabochan, na hindi regulated product ang Noche Buena items.
Ibig sabihin, hindi kailangan ng mga manufacturer na humingi ng pahintulot sa DTI kung nais nilang magpatupad ng price adjustment.
Ang tanging magagawa aniya ng DTI ay pakiusapan ang mga ito na huwag munang magtaas o babaan ang halaga ng dagdag-presyo.
Una nang tumaas ang presyo ng lahat ng Noche Buena products gaya ng fruit cocktail, table cream, quezo de bola at spaghetti pasta.
Samantala, wala pang desisyon ang DTI sa hirit na dagdag-presyo ng ibang basic necessities and prime commodities gaya ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.
Tiniyak din ng ahensya na mahigpit nilang binabantayan ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga lugar na nakasailalim sa state of calamity bunsod ng Bagyong Paeng kung saan umiiral ngayon ang price freeze.