Nagpahayag din ng kahandaang sumalang sa drug test si presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno.
Sa sulat na ipinadala kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, hiniling ni Moreno na agad siyang maisalang sa drug testing para sa cocaine, shabu, marijuana at iba pang uri ng iligal na droga.
Ito ay para na rin aniya sa ikapapanatag ng mga tao.
Nito lamang Lunes nang boluntaryong nagpa-drug test sa headquarters ng PDEA sina presidential aspirant Senator Panfilo Lacson at running mate niyang si Senate President Vicente Sotto III kung saan sila nagnegatibo.
Kahapon naman nang sumalang sa cocaine test ang tumatakbo ring pangulo na si Ferdinand “Bongbong” Marcos at isinumite ang negative result sa Philippine National Police (PNP).
Dalawang beses ding nagnegatibo sa cocaine at methamphetamine si presidential aspirant Senator Manny Pacquiao matapos na sumalang sa anti-dope tests ngayong taon.
Samantala, game rin si Vice President Leni Robredo na sumalang sa drug test “anytime”, na mas mabuti aniya kung gagawin nang “random” at “unannounced.”
Una rito, ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na may isang presidential aspirant ang umano’y gumagamit ng cocaine.