Ilan pang problema ng mga pasahero sa Cebu Pacific, inaasahan na tuluyan nang mareresolba

Inaasahan ni Senate Committee on Tourism Chairman Senator Nancy Binay na tuluyang aayusin ng Cebu Pacific ang ilan pang problemang madalas na nararanasan ng mga pasahero ng paliparan.

Ang hirit ng senadora ay kasunod na rin ng pagkalugod nito sa desisyon ng Cebu Pacific na alisin na ang expiration date sa travel fund at palawigin ang bisa ng travel voucher ng hanggang 18 buwan simula sa Agosto 1.

Hiling ni Binay na sunod namang ayusin ng Cebu Pacific ang kanilang mga hotline at customer service para sa mas madaling pagpapaabot ng concerns ng mga pasahero.


Samantala, nagpapasalamat naman ang senadora sa pagtugon ng Cebu Pacific na pakinggan ang panawagan ng mga pasahero lalo’t sa nakaraang pagdinig sa Senado ay isa ang travel fund at travel voucher sa idinulog na problema ng mga airline passenger.

Tinukoy rin ni Binay ang malinaw na guidelines ng airline ngayon pagdating sa kompensasyon para sa mga naantalang flight.

Batay sa Cebu Pacific, ang mga pasahero na nakaranas ng pagkaantala sa flight operations ay maaaring maka-avail ng “two-way travel vouchers” para sa mga biyaheng nakansela sa loob ng 72 oras at “one-way travel vouchers” para sa mga flight na na-delay ng apat hanggang anim na oras.

Facebook Comments