ILAN SA MGA DUMALO SA BIDDING NG LTO CAUAYAN, DISMAYADO

Napakamot ulo na lamang ang ilan sa mga dumalo sa isinagawang bidding ng Land and Transportation Office dito sa lungsod ng Cauayan nang malaman ang presyo ng bawat unit ng motorsiklo na isusubasta.

Ilan kasi sa mga motor ay pumapatak sa halagang P20,000 pataas.

Ayon sa ilang bidders na mula pa sa iba’t-ibang bayan at Siyudad sa Isabela, hindi umano nila inaasahan ang presyo ng mga ito dahil ang akala nila ay magsisimula ang bidding price sa P3,000 at saka lamang tataas kung may magdadagdag sa nasabing halaga.

Ayon kay alyas Jeff na mula pa sa bayan ng San Mateo, Isabela hindi aniya nito inaasahan na papatak ng P32,000 ang kaniyang napiling motorsiklo kaya laking gulat na lamang nito nang makita ang presyo.

Dagdag pa niya, kung sakali umanong bibilhin niya ang nasabing motorsiklo ay kailangan pa niyang gumastos ng halos P15,000 na halaga para sa pagpapaayos at pag papaganda sa naturang motorsiklo kung kaya’y naisipan nito na umuwi na lamang.

Ayon naman sa isa pang bidder na si Alyas Juls, natuwa umano siya nang malaman na mayroong gaganaping bidding sa mga impounded na sasakyan sa Lungsod ng Cauayan kaya naman bumyahe pa ito mula Tumauini ngunit katulad ni Jeff, ay napangisi na lamang ito nang makitang higit P30,000 ang halaga ng kolong-kolong na balak niya sanang bilhin.

Samantala, sinabi naman ni Ginoong Deo Salud, Senior Supervising Transportation Regulation Officer 1 ng LTO Cauayan, na ang presyo ng mga motorsiklo at sasakyan na isinusubasta ay naka base sa violation ng may-ari ng sasakyan at ng impounding fee na nagkakahalaga ng P15 kada araw.

Ang mga isinubastang behikulo ay mahigit dalawang taon nang na-impound at hindi na tinubos ng may-ari.

Facebook Comments