Cauayan City, Isabela- Nananawagan sa mga kinauukulan ang ilan sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na kasalukuyang naka quarantine sa Punta Amelita sa bayan ng Cordon, Isabela.
Ayon sa dalawang OFW na Lalaki, hirap at stressed na aniya sila habang naka-quarantine sa naturang resort.
Kanyang ipinanawagan na sana’y mabigyan ng pansin ng kinauukulan ang walang maayos na tulugan para sa mga dumarating na OFW na idinederetso sa naturang quarantine area.
Puno na umano ang hotel na tinutuluyan at itinalagang quarantine facility ng pamahalaang Panlalawigan kaya’t nagpatayo na lamang umano ng tent para sa mga bagong dumarating at isinasailim sa swab test.
Ayon pa sa isang OFW, hindi aniya ito nakatulog ng maayos dahil walang sapat na tulugan habang ang iba pang mga OFW ay natutulog na lamang habang nakaupo.
Kanyang sinabi na nagnegatibo na ito sa swab test sa Metro Manila habang ngayon ay i-schedule muna ang kanyang pagsailalim sa swab test.
Ipinanawagan rin nito ang maruming Comfort Room na ginagamit ng lahat ng mga naka quarantine.
Mayroon naman aniyang umaasikaso sa kanila subalit hiling nito sa mga kinauukulan na mabigyan ng maayos na matutulugan ang mga naka-quarantine sa Punta Amelita.