Manila, Philippines – Hindi pa man nadidinig sa Kamara ang House Bill 5362 na layong tumanggap ng mga senior citizens sa trabaho ay nagpahayag na ng suporta ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) na bigyang trabaho ang mga seniors.
Ayon kay Ang Probinsyano Representative Ronnie Ong, matapos ang launching ng programa sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) ay nakausap niya si MIAA General Manager Ed Moreal at nagsabi na interesado sa kanyang panukala.
Nangako ang MIAA na magbibigay ng trabaho sa 100 hanggang 250 na mga senior citizens sa may Parañaque bago matapos ang Nobyembre.
Marami aniyang matatanda ang natuwa dahil muli nilang naramdaman na mahalaga sila sa lipunan sa kabila ng kanilang edad.
Sa panukala ng kongresista, hinihikayat ang mga public at private sectors na mag-hire ng mga senior citizens.
Ang trabaho ng mga seniors ay magagaan lamang kung saan tatlong oras sa umaga at tatlong oras sa hapon lamang sila magtatrabaho na may minimum na sweldo.
Inihahanda na rin ang partnership sa iba pang state universities maging mga public hospitals para sa pagbibigay trabaho sa mga senior citizens.