Inihayag ngayon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na may ilang alkalde ang nasasangkot sa ilang operasyon ng iligal na pagmimina at pagto-troso na siyang naging dahilan ng malawakang pagbaha makaraan ang ilang bagyo.
Ayon kay Año, ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ang direkta at hindi direktang nakikinabang sa mga iligal na Gawain.
Aniya, hindi naman lahat ay nakikinabang o kasabwat pero alam ng mga ito ang mga nangyayaring iligal na pagmimina at pagto-troso kung saan inihalimabawa ni Año na siguradong tumatanggap ang isang opsiyal ng pondo nito para sa kaniyang kampanya gayundin ang pagsuporta sa kandidatura.
Matapos ipag-utos ang imbestigasyon sa iligal na gawain, hinimok rin ni Año ang Department of the Environment and Natural Resources (DENR) na maging istriktong sa pagpapatupad ng batas na kailangan naman ng suporta ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP).
Iginiit ni Año na dapat ay maparusahan ang sinumang nasasangkot sa iligal na pagmimina at pagto-troso maging ito man ay isang pulitiko o may katungkulan sa gobyerno.
Pinaalalahanan naman ng kalihim ang mga residenteng apektado na maging matalino sa pagboto sa mga lokal na opisyal at dapat daw ay wala itong bahid na koneksyon sa anumang iligal na Gawain.