Ilang Armas at Kagamitang Pandigma, Nahukay ng Tropa ng 95th SALAKNIB Battalion

Cauayan City, Isabela- Matagumpay na nahukay ng kasundaluhan ng 95th Infantry SALAKNIB Battalion ang mga ibinaong gamit pandigma ng mga rebelde matapos ituro ng dating miyembro ng Regional Sentro de Gravidad- KR-CV na si alyas “Erick” ang kinaroroonan ng dalawang matataas na kalibre ng baril na M16 rifle, mga bala at lalagyan ng mga magazine.

Inihayag ni alyas “Erick” na ang nasabing mga baril ay mula pa sa lalawigan ng Cagayan kung saan ang isang armas ay dating gamit ng namayapang si Ka Yuni, kumander ng RSDG-KR-CV kung saan namatay ito sa nangyaring sagupaan sa pagitan ng sundalo sa San Guillermo, Isabela.

Sa kabila ng kanyang karanasan sa loob ng kilusan, malaking kaibahan umano ang kanyang sitwasyon sa kasalukuyan kung saan naramdaman nito ang kabutihang ipinakita umano ng mga kasundaluhan sa ginawa niyang pagsuko.


Ikinuwento rin niya na walang sugat o galos ang kanyang natamo mula sa tropa ng militar kung saan lagi umanong iminumulat sa kanya ng mga dating kasamahan ang kasamaan na ginagawa ng mga militar pero lingid sa kanyang kaalaman ang mabuting dulot ng mga miyembro ng kasundaluhan.

Dahil dito, minabuting makipagtulungan ni alyas “Erick” sa kasundaluhan na ituro ang kinaroroonan ng mga kagamitan pandigma.

Ayon naman kay LTC. Carlos Sangdaan Jr., Commanding Officer ng 95IB, malaki ang pasasalamat ng kasundaluhan kay alyas “Erick” sa kaniyang ipinakitang katapatan at sa nasasakupang mga katutubo sa kanilang pagtitiwala sa pamahalaan.

Samantala, hinihimok din ni alyas “Erick” ang mga dati nitong kasamahan na bumaba na at talikuran ang mga maling pangaral ng NPA sa loob ng kilusan dahil siya mismo ang buhay na nagpapatunay na ang programa ng gobyerno ay totoo sa mga tulad nilang nagbabalik loob sa pamahalaan kaakibat ng mga benepisyo na nakapaloob sa E-CLIP.

Facebook Comments