
Mas pinagtitibay ang ugnayan ng mga komunidad at pinahuhusay ang mga pampublikong pasilidad sa lungsod sa pamamagitan ng pormal na pagpapasinaya at pagbabasbas ng ilang proyektong pang-imprastraktura kahapon, Marso 5.
Kabilang sa mga natapos na proyekto ang road concreting sa Sector 2 at road asphalt sa Sector 5 sa Barangay Linmansangan, na magbibigay ng mas maayos at ligtas na daloy ng transportasyon para sa mga residente. Pinasinayaan rin ang bagong stage, bleachers, at side roofing ng covered court sa Sector 4, na magsisilbing mas maaliwalas at maayos na lugar para sa mga pagtitipon at gawaing pangkomunidad.
Samantala, binuksan na rin sa publiko ang Hanging Bridge na nag-uugnay sa Barangay San Jose at Barangay Polo. Inaasahang makatutulong ito sa mas mabilis na pagbiyahe ng mga residente at sa pagpapalapit ng mga komunidad sa iba’t ibang serbisyo at oportunidad.
Ipinapakita ng mga proyektong ito ang patuloy na pagtutok sa pag-unlad ng imprastraktura bilang mahalagang bahagi ng pagpapabuti ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mamamayan. Sa pamamagitan ng mas maayos na kalsada, tulay, at pampublikong pasilidad, mas napapalakas ang ugnayan ng mga komunidad at mas napapalapit ang mga residente sa mga oportunidad para sa kaunlaran. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










