Cauayan City, Isabela- Kritikal ang kalagayan ngayon ng ilang bahagi ng Lalawigan ng Nueva Vizcaya dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Carlos Padilla, kanyang sinabi na ito’y dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng nasabing sakit sa kanyang Lalawigan lalo na sa bayan ng Solano na nakapagtala na rin ng local transmission ng COVID-19.
Sapat pa aniya sa ngayon ang quarantine facilities na itinalaga ng pamahalaang panlalawigan subalit kung magpapatuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay tiyak na magkukulang ang mga pasilidad sa Lalawigan.
Gayunman, mayroon nang naumpisahan ang DPWH na isolation center sa bahagi ng Dupax Del Norte District Hospital upang matanggap rin ang mga posibleng tamaan ng sakit na manggagaling sa Southern part ng Nueva Vizcaya.
Umaasa na matatapos din ito sa lalong madaling panahon para magkaroon ng sapat na isolation facilities ang probinsya.
Sa ngayon ay nasa 64 active cases na ang naitala sa probinsya ng Nueva Vizcaya at lalo pang tumitindi ang pagtaas ng kaso sa bayan ng Solano.
Samantala, pinakiusapan na rin ng Gobernador ang mga nurse at doktor na huwag munang umuwi sa kanilang mga tahanan bilang precautionary measures upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng COVID-19 at pumayag na rin ang mga hotel owners na doon muna manatili at mag self quarantine ang mga healthworkers.