Cauayan City,Isabela- Kasalukuyan pa rin na nararanasan ng mga residente ng Brgy. San Vicente, Ivana, Batanes ang malakas na alon mula sa karagatan bagama’t wala ng nararanasang ulan dulot ng Bagyong Kiko.
Ito ay matapos magland-fall ang bagyong Kiko sa Ivana kaninang umaga.
Makikita sa video ang pagsampa ng tubig sa national highway dahil sa matinding hampas ng alon mula sa dagat.
May ilan namang Bangka ang tumagilid dahil sa lakas ng hampas ng alon.
Bagama’t inilagay na ng mga mangingisda sa mas ligtas na lugar ang kanilang mga bangka kahapon ay makikita sa bidyo na muling nagsasampa ng kanilang bangka sa mas maayos na lugar upang hindi maanod at masira.
Samantala, sinamantala ng mga fishcage owner sa Brgy. Sta Cruz, Sta. Ana ang mag-force harvest matapos umaliwalas ang panahon sa kanilang bayan.
Ginagawa ang “forced harvest” sa kadahilanang lumalabo ang tubig dagat dahil sa pagbaba ng maputik na tubig na nakakaapekto sa mga isda.
Ayon kay Stanley Maddagan, OIC ng Marine Park Ancillary Support facility ng BFAR, naaayon din umano ang forced harvest sa kadahilanang walang suplay ng isdang dagat dahil walang mangingisdang pinayagang pumalaot dahil sa pananalasa ng bagyong Kiko.