Magandang ibinalita ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernand Olalia na naghahanda na ang ilang bansa na tumanggap ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) at iba pang mga dayuhang manggagawa.
Kasunod ito ng pagluwag ng travel restrictions ng iba’t ibang destination-labor countries tulad ng Middle East.
Sinabi ni Olalia, malaking tulong itong oportunidad para magsimula muli ang ating mga OFW na nawalan ng trabaho o umuwi sa ating bansa dahil sa COVID-19 crisis.
Matatandaang inanunsyo ng Bahrain at Saudi Arabia na muli silang tatanggap ng foreign workers, partikular ang mga OFW.
Nangangailangan naman ang Canada at United Kingdom (UK) ng mga healthcare worker tulad ng mga nurse at doktor.
Samantala, naghahanap naman ang Cuba ng construction workers.
Una nang kinumpirma ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na 57 percent ng 400,000 OFW’s ang natulungan ng pamahalaan upang makauwi ng bansa.