*Cauayan City, Isabela*- Lubog pa rin sa baha ang karamihan sa mga barangay sa Lungsod ng Ilagan bunsod ng naranasang malawakang buhos ng ulan dahil sa Tropical Depression Tisoy.
Ayon kay Brgy. Kapitan Rowena Gomez ng Marana 3rd, tatlong pamilya na ang kanilang inilikas dahil sa naranasang pagbaha sa kanilang lugar partikular na ang pamilyang pinaglalamayan ang kanilang namayapang mahal sa buhay na ngayon ay nasa Barangay Hall.
Dagdag pa ni Kapitan Gomez, hindi na nagpalikas ang ilang residente sa kanilang lugar at mas pinili na manatili sa kani-kanilang tahanan bagay na sinang ayunan na lamang ito.
Samantala, 122 na katao na ang inilikas sa Brgy. Alinguigan 2nd na matinding nakaranas ng malawakang pagbaha sa lugar.
Ayon kay Brgy. Kapitan, Heherson Rivero, may mga alagang baka ang naanod dahil sa malaks na buhos ng ulan.
Nagpapatuloy naman ang pagbibigay ng relief goods sa mga residente na apektado ng pagbaha.
Sa ngayon ay inaalam ng LGU Ilagan ang kabuuang pinsala sa sektor ng agrikultura.