Nakaalis na ang ilang barko ng China sa Ayungin Shoal, ang lugar kung saan hinarang at binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard ang dalawang barko ng Pilipinas noong November 16.
Ayon kay Armed Forces of the Philipine (AFP) Western Command (WesCom) commander Vice Admiral Roberto Enriquez, mga nasa dalawang barko na lamang ng China ang nananatili sa lugar hanggang kaninang alas 12:00 ng hatinggabi.
Tingin ni Enriquez, may ibang mensahe na nakarating sa China kaya nag-pull out ang kanilang militia vessels.
Una ng naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban sa pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa dalawang barko ng Pilipinas na nagsasagawa noong resupply mission sa Ayungin Shoal.
Nagbabala naman ang Estados Unidos at sinabing maaaring maging basehan ang pag-atake ng China para ipatupad ang probisyon sa ilalim ng 1951 Philippines-US Mutual Defense Treaty.