Manila, Philippines – Plano ngayong amiyendahan ng Administrasyon ang ilang umiiral na batas para maging legal ang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibigay nalang sa mga miyembro ng KADAMAY ang mga bahay na kanilang inokupa.
Kahapon kasi sa talumpati ni Pangulong Duterte ay sinabi nito sa mga sundalo at pulis na ibigay nalang sa KADAMAY ang kanilang mga pabahay at igagawa aniya sila ng gobyerno ng bago sa mas magandang lugar.
Ayon kay Secretary to the Cabinet Jun Evasco, nakipagusap na siya kay congressman Alby Benityez upang maisaayos sa pamamagitan ng pag-amiyenda sa mga kasalukyang batas at maging legal ang nangyaring Take-Over.
Partikular aniyang dapat amiyendahan ay ang ilang probisyon ng general appropriations Act.
Pero sinabi din ni Evasco na hindi na dapat maulit ang ginawa ng KADAMAY na tila hinohostage ng grupo ang gobyerno at sa pangambang ito ay maging isang bad precedent.
Sinabi ni Evasco, dapat sana ay dumaan sa kaukulang proseso ang lahat at hindi mistulang nakompromiso ang gobyerno sa nangyaring take-over dahil sa bandang huli aniya ay dapat rule of law ang nasusunod.
Deo de Guzman