Kasabay ng pagsasailalim sa Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ), ilang batas trapiko ang babaguhin sa EDSA simula sa Lunes, June 1, 2020.
Sa ilalim ng tinatawag na ‘Modified EDSA’, ililipat ang mga bus lanes sa inner lane sa tabi ng MRT.
Kaugnay nito, ang mga tinibag na center island sa mga istasyon ng MRT ay gagawing sakayan at babaan ng mga pasahero ng bus.
Para makarating sa bus stop, aakyat ang mga pasahero sa MRT station at saka bababa para makarating sa center island.
Gagamitin ding bus stops ang mga footbridge sa EDSA.
Ibig sabihin, hindi na makakababa ang mga pasahero sa mismong tapat ng kanilang mga bahay at trabaho.
Kinakailangan nilang maglakad kung malayo ang mga bus stops sa kanilang destinasyon.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, sisikapin nila na makapaglagay ng bus stop sa kada isang kilometrong distansya lalo na kapag ipinatupad ang second phase ng ‘Modified EDSA’.