Cauayan City, Isabela- Nakakaranas ngayon ng pag-apaw ng tubig ang ilang bahagi ng lalawigan ng Isabela partikular ang bayan ng San Mateo at Cabatuan sa kabila ng patuloy na nararanasang pag-uulan.
Ayon kay San Mateo Mayor Greg Pua, sana raw ay itinaas agad ng NIA-MARIIS ang radial gate ng dam kung makakaranas ng tuloy-tuloy na pag-uulan.
Aniya, ilan sa mga barangay na nalubog ngayon sa baha ang Marsat Pequeño at Gaddanan.
Posible din na nag-ugat ngayon ang pagbaha sa ilang barangay ang ginagawang road widening lalo pa’t hindi sabay-sabay ang paggawa ng drainage canal kung kaya’t umakyat ang lebel ng tubig dahilan para pasukin ng tubig-ulan ang ilang kabahayan.
Hinimok naman ng opisyal ang mga residente na kung maaari ay tanggalin na ang mga nakabarang bagay sa mga drainage canal upang maiwasan ang malalang sitwasyon.