Ilang benepisaryo ng SAP, apat na beses nang pabalik-balik sa isang Remittance Center sa Cainta Rizal pero bigo pa rin makakuha ng ayuda

Dismayado ang ilang mga benepisaryo ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil apat na beses nang pabalik-balik sila pero wala pa ring nangyayari sa kanilang mga ayuda sa Cainta, Rizal.

Ayon kay Norlie Quitantes, isa sa mga kukuha sana ng ayuda, ilan umano sa kanila, ay pitong kilometro pa ang nilalakad at madaling araw pa lang pumipila na pero umuuwi pa rin silang luhaan.

Paliwanag ni Quitantes, nag-uunahan umano silang makakuha ng form sa isang Remittance Center sa Greenpark Cainta Rizal dahil ito umano ang kailangan para maproseso ang ayuda nila.


Dahil nag-uunahan, nawala na ang linya sa pila, nagkadikit-dikit na rin sila at hindi na nasunod ang social distancing.

Reklamo naman ng ilan, matagal na silang nagsumite ng form pero hanggang ngayon ay wala pa ring text tungkol sa ayuda.

Kaya naman nagbabakasakali na sila na direktang pumunta sa branch.

Ang iba naman, laging inaabutan ng cut off dahil limitado lang ang natatanggap na kumuha ng ayuda.

Facebook Comments