
Matapos ang apat hanggang anim na oras na pagpila sa labas ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa Department of Agriculture (DA), nakapasok na at nakapwesto ang ilan sa mga may online appointment para sa pagbili ng ₱20 na bigas sa Kadiwa Center.
Kabilang sa mga nakapwesto ang mga buntis, senior citizen, at persons with disability (PWD).
Sa ngayon, prayoridad muna ang mga may online appointment bago papasukin paunti-unti ang mga walk-in.
Naibibigay rin ang kinakailangang tulong sa mga nakapila dahil may mga personnel ng Kadiwa Center na nag-a-assist sa pila, kabilang ang pagbe-verify ng appointment, pagbabayad ng produkto, at pagkuha ng mga binili.
Magtatagal hanggang mamayang alas-2 ng hapon ang naturang aktibidad at magpapatuloy sa mga susunod na araw.
Bukas ang Kadiwa Center simula alas-6 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon mula Lunes hanggang Biyernes.










