Ilang buwan bago ang deadline ng voters registration, COMELEC naabot na ang target na 3 milyong bagong botante

Naabot na ng Commission on Elections (COMELEC) ang target na tatlong milyong bagong registered voters para sa 2025 midterm elections.

Sa pinakahuling datos ng COMELEC nitong Lunes, May 20 pumalo na sa 3,020,999 ang kabuuang mga nagparehistrong botante sa bansa.

Una nang sinabi ng poll body na nasa 3-M botante ang kanilang target sa voter’s registration na tatagal pa hanggang katapusan ng Setyembre.


Pinakamarami ang mga aplikasyon na pinroseso mula sa Region IV-A na may 541,724 at sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 440,857.

Pinaka-kaunti naman ang nagparehistro sa Cordillera Administrative Region na may 39,059.

Sa ngayon, patuloy ang pag-iikot ng COMELEC sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang hikayatin ang mga maaari nang bumoto na magparehistro na.

Noong nakaraang linggo, sinabi ng COMELEC na nasa 4.2 million na botante naman ang inalis na sa listahan dahil sa pagkabigong lumahok sa nakalipas na dalawang halalan.

Facebook Comments