Ilang COVID-19 referral hospital sa Metro Manila, nakahanda na sa posibleng surge ng virus ngayong holiday season

Ngayon pa lang ay nakahanda na ang dalawang COVID-19 referral hospital sa Metro Manila sa posibleng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa dahil na rin sa mga pagdiriwang ngayong kapaskuhan.

Sa Philippine General Hospital (PGH), sinabi ng tagapagsalita nito na si Jonas Del Rosario na patuloy ang kanilang COVID operation kung saan hindi nila binawasan ang mga kama para sa mga pasyenteng tinamaan ng virus.

Sa ngayon ay mayroong 97 COVID cases na lamang sa PGH mula sa nakatalagang 200-bed capacity.


Umaasa ang pagamutan na hindi magkaroon ng COVID-19 surge lalo na’t unti-unti nang binubuksan ng pgh ang kanilang ospital para sa mga non- COVID patients.

Sa Lung Center of the Philippines naman, nasa 27 na pasyente lang ang naka-admit mula sa 70-bed capacity para sa COVID-19.

Ayon kay Administrative Services Head Antonio Ramos, inaasahan nila ang pagdami ng kaso, simula dalawa hanggang tatlong linggo matapos ang holiday season.

Bunsod nito, pinag-aaralan na ng mga alkalde sa Metro Manila kung magpapatupad sila ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa pagpasok ng Enero 2021.

Facebook Comments