Cauayan City, Isabela- Handa umano si Quirino Governor Dakila Carlo Cua na ipaaresto sa mga otoridad ang mga taong hindi papapigil sa paglabas-labas kahit na ang mga ito ay positibo sa COVID-19.
Una rito, kinumpirma umano ng Municipal Health Office ng Maddela, Quirino ang pagtanggi na manatili sa inilaang Community Isolation Unit (CIU) ang mga pasyenteng positibo sa virus.
Ayon sa Gobernador, kailangan pa rin na alamin kung anong dahilan kung bakit ayaw ng mga COVID patient na mamalagi sa pasilidad at malaman rin ang concern ng kanilang pagtanggi.
Kung hindi aniya mapapakiusapan ang mga COVID patient na huwag gumala at maging takot sa mga residente ang kanilang hindi mapigilang paggalaw ay dito na kakailanganin ang tulong ng law enforcement.
Samantala, problema naman sa bayan ng Cabarroguis ang kakulangan ng isolation facility dahil sa dumaraming kaso ng tinatamaan ng virus kabaligtaran sa Maddela na maraming pasilidad ngunit ayaw ng mga pasyenteng manatili rito.