Naabutan ng IFM News Dagupan ang ilan sa mga residente ng Dagupan na mas piniling agahan ang pagdalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay, dalawang linggo bago ang Undas.
Kasunod ng mga di inaasahang sama ng panahon, minabuti na rin ng ilan na linisin ang paligid ng puntod, na ngayon ay tinutubuan na ng damo at napapalibutan ng putik.
Ayon kay Nanay Naneth mula sa Brgy. Salisay, mas pinili nilang magtungo nang mas maaga sa sementeryo upang makaiwas sa abala sakaling bumagyo.
Dagdag pa niya, sana’y mas maging maayos ang pagdiriwang ng Undas ngayong taon—lalo na sa kalinisan ng sementeryo, at paglalagay ng mas maayos na daanan sa mga binabahang bahagi upang madaling makita at mapuntahan ang mga puntod.
Pareho rin ng saloobin si Tatay Antonio, na regular na dumadalaw sa Roman Catholic Cemetery sa lungsod. Aniya, mahalaga ang pagkakaroon ng maayos na daanan para sa mga bisitang inaasahang dadagsa sa darating na Undas.
Sa kasalukuyan, kapansin-pansing maraming bahagi pa ng sementeryo ang lubog sa tubig baha, at ang ilang puntod ay lubog sa putik at sira-sira pa ang ilang daan.
Umaasa ang mga maagang bumisita na sa mga susunod na araw ay agarang maaksyunan ng kinauukulan ang kalagayan ng mga sementeryo para sa maayos, at payapang paggunita ng Undas ngayong taon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









