Ilang dating opsiyal ng gobyerno pinapasampahan ng kasong kriminal ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa anomalya sa PhilHealth

Inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee na sampahan ng kasong kriminal sina dating Health Secretary Janette Garin, dating Budget Secretary Butch Abad, at dating PhilHealth Chief Alex Padilla at umano’y mga miyembro ng mafia sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ang rekomendasyon ay laman ng committee report ni Blue Ribbon Committee Chaiman Senator Richard Gordon base sa mga pagdinig na isinagawa noong nakaraang taon ukol sa mga anomalya sa PhilHealth.

Sa ginawang pagdinig ng komite ay lumitaw ang irregular funding sa mga barangay health workers at pagbili ng dental trucks at iba pang pasilidad sa halagang 10.6 billion pesos na nakalaan dapat sa senior citizens premium ng PhilHealth.


Lumabas din sa imbestigasyon ng komite ang upcasing o pagpapalubha sa mga sakit para mas malaki ang makubra sa PhilHealth, mga kaso ng ghost dialysis at pag-iisyu ng fake premium receipts sa mga oveseas filipino workers.

Kasama rin sa rekomendasyon ng komite ang re-organization sa PhilHealth na sisimulan sa pagtanggal sa lahat ng PhilHealth Regional Directors nito at pagkakaroon ng monitoring group sa Central Office para sa pagbabayad o lahat ng transaksyon na ginagawa sa regional offices.

Iminumungkahi rin ng komite ang pagkakaroon ng Philippine Statistics Authority (PSA) online mortalitiy verification system sa PhilHealth, Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at sa iba pang government retirement agencies tulad ng PVAO.

Facebook Comments