Humarap sa pagdinig ang ilang mga dating naging myembro ng “inner circle” o pastoral na pinili ni Pastor Apollo Quiboloy na nakaranas ng sexual na pang-aabuso sa kamay ng religious leader.
Sa pamamagitan ng online conference ay nagsalita ang Ukranian na si Yulya Tartova, dating pastoral ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), kung saan inilantad na niya ang kanyang mukha hindi tulad noong unang magbigay ito ng testimonya sa Senate Committee on Women na itinatago pa ang kanyang itsura.
Ayon kay Tartova, 2014 nang maranasan niya ang pang-aabuso mula kay Quiboloy kung saan kapag tumanggi sila sa gusto ng itinuturing nilang anak ng Diyos ay samu’t saring parusa ang magiging kapalit tulad ng psychological punishment kung saan ginagamitan sila ng Bibliya, sinisigawan, at pagpapahiya.
Tinukoy rin ni Tartova si Jackielyn Roy, isa sa mga pastoral at kasama sa mga nakakulong din ngayon, na siyang nag-groom sa kanya para maihanda siya sa sexual service para kay Quiboloy.
Bukod kay Tartova ay nagsalita rin si alyas “Marie” na nakaranas din ng grooming mula pa noong siya ay 12 taong gulang matapos na ipasok siya ng kanyang ina sa KOJC sa paniniwalang ito ay isang ‘safe environment’ lalo na’t may itsura aniya siya.
Hindi naman niya nabatid noong una na mula 2017 nang maimbitahan siya sa isang dinner kasama si Quiboloy ay ito na pala ang simula na igu-groom na siya para mapabilang sa “inner circle” ng mga pastoral kung saan sa umpisa ay pinagmamasahe sila sa pastor hanggang sa makalipas ang ilang taon ay nakakatanggap na siya ng mga regalo mula kay Quiboloy, at pinatutulog na sa kwartong malapit lamang sa kwarto rin ng pastor.
Subalit noong 2023 nang magdesisyon siyang lumayas sa KOJC sa kagustuhang makapag-aral at dito rin ay nalaman niya ang pang-aabusong nakaambang na gawin sa kanya ni Quiboloy dahil sa isang pastoral na tumakas din sa KOJC.
Dagdag pa ni Marie, may isang kaso ng batang lalaki na inabuso rin ng nakatatanda sa KOJC at batid niyang marami pang kaso ng sekswal na pang-aabuso sa loob ng organisasyon.