Ilang deboto, hinihimok na sumagot muna sa contact tracing via online sa pagdalo sa mga misa para sa kapistahan ng Poong Itim na Nazareno

Hinihimok ngayong ng pamunuan ng Quiapo Church ang mga deboto na maiging sagutan muna ang contact tracing sa pamamagitan ng online.

Ito’y upang ma-monitor ang mga dadalo sa misa sa Quiapo Church, Sta. Cruz Church at San Sebastian Church kaugnay ng kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.

May kaniya-kaniyang QR Code ang mga simbahan na makikita sa Official Facebook page ng Quiapo Church kung saan kailangan lamang na i-scan ito, sagutan at saka muling i-submit.


Ang mga hindi makakapag-online ay kinakailangan naman na sumagot sa health declaration form sa pagdating sa mga simbahan.

Dahil naman sa inaasahang pagdagsa ng mga deboto, isasara bukas, January 7 ang southbound at northbound lane ng Quezon Boulevard gayundin ang eastbound at westbound lane ng Carlos Palanca Street.

Kasabay nito, magpapatupad rin ng “no parking” at “no vendor policy” sa paligid ng simbahan.

Sakali naman dumami ang volume ng mga tao sa paligid ng simbahan sa mismong araw ng pista ng Poong Itim na Nazareno sa Enero 9, haharangin muna ng Manila Police District (MPD) ang iba hanggang sa makaalis ang ilang deboto.

Muling hinikayat ng pamunuan ng Quiapo Church at MPD ang mga deboto na kung maaari ay sa kani-kanilang parokya muna magsimba.

Facebook Comments