Dumating na sa bansa ang nasa 303 distressed Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Kuwait, ayon sa Department of Foreign Affairs.
Nag-avail ang mga ito ng amnestiya na pinalawig ng Kuwaiti Government upang makauwi na sa Pilipinas at makapiling ang mga pamilya sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon sa Philippine Embassy sa Kuwait, nag-aalok ng amnestiya ang Kuwaiti Government sa residence visa violators simula April 1 at hanggang April 5 lamang maaaring makakuha ng naturang amnestiya.
Dahil dito, hinihimok ng embahada ang mga undocumented na mga Filipino sa Kuwait na mag-apply para sa amnestiya habang mayroon pang oras upang hindi na magka-problema pa at maharap sa kaukulang kaso.
Ngayong araw ay nakatakda ang karagdagang flight mula Kuwait pauwing Maynila ng mga OFW’s na nag-avail ng nasabing amnestiya.