Pina-iimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang alegasyong tinampered ang ilang dokumentong isinumite sa Senado kaugnay sa paggamit ng COVID-19 pandemic response funds.
Sa committee hearing, inihayag ni Sen. Francis Pangilinan na ang 19 na dokumento sa multibillion-peso transaction na isinumite ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) noong September 10, 2021 ay nawawala na sa kanila database.
Kabilang sa mga dinelete na dokumento ay ang dalawang transaksyon ng Pharmally Pharmaceutical Corp. na nagkakahalaga ng 600 million pesos kada isa.
Nadiskubre rin ng staff ni Committee Chairman Richard Gordon na hindi na rin makita ang files na inupload sa Google drive noong August 26, 2021 kaugnay sa P507 million transaction sa mga Personal Protective Equipment o PPEs kung saan si dating PS-DBM Head Christopher Lao ang lumagda.
Bunsod nito, malakas ang paniwala ng mga senador na may anomalya sa paggamit ng pondo ng COVID-19 lalo na’t nalinis na ang mga posibleng ebidensya.